Rampahan: Redefining Byukon

Ipinagdiriwang ngayong Marso ang Buwan ng Kababaihan bilang paggunita sa makabuluhang ambag ng mga babae sa paghubog ng kasaysayan ng pakikipaglaban para sa makataong paggawa, pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, at maging sa panawagan para sa kapayapaan. Sa kabila ng mga ito, nananatiling nakakahon ang kanilang imahen sa homodyenisado at komersiyalisadong pamantayan ng kanluraning kagandahan na nagsasantabi sa halaga ng kababaihan sa larangan ng produksiyon, politika, at kalinangan.

Kaya naman ngayon taon, ilulungsad ng UP Center for Women’s and Gender Studies (UPCWGS) ang “RAMPAHAN: Redefining Byukon.” Layunin nitong patampukin ang kabayanihan bilang kagandahan sa pamamagitan ng pagtatanghal at pagrampa ng labindalawang bayani mula sa iba’t ibang larangan at yugto ng kasaysayan. Simbolong mag-uugnay ang rampa sa kababaihan ng nakaraan at kasalukuyan para sa mga panawagan at adbokasiyang makatwiran at napapanahon hanggang ngayon. Sa ganitong paraan ay naisasabuhay at nabibigyan ng ibang perspektiba ang kagandahan nang hindi nakasandig sa pisikal na anyo kundi sa makabuluhang pag-aambag ng tao sa kaniyang komunidad. Halina’t tunghayan ang pagrampa ng ating mga bayaning byukonera ngayong 29 Marso 2017, 4:00-6:00 n.h. sa Malcolm Hall Theater, College of Law, UP Diliman!

Para sa mga tanong at paglilinaw, mangyaring makipag-ugnayan kay Bb. Ardis, Bb. Dhang, at/o Jown sa 920-6950 o 981-8500 loc. 4226.

MGA BAYANING RARAMPA
1. Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay (Katutubo)
2. Melchora “Tandang Sora” Aquino (Senior Citizen)
3. Recca Monte (Engineer)
4. Maita Gomez (Beauty Queen turned mandirigma)
5. Lorena Barros (Estudyante)
6. Liliosa Hilao (Estudyante)
7. Teresa Magbanwa (Guro)
8. Gabriela “La Generala” Silang (Mandirigma)
9. Gregoria “Oryang” de Jesus (Katipunera)
10. Narcisa Paguibitan (Anakpawis, Manggagawa)
11. Salud Algabre (Magsasaka, Sakdalista)
12. Remedios “Liwayway” Gomez-Paraiso (HUK, Okupasyon ng mga Hapon)

[By Prof. Bernadette V. Neri]